Ano ba ika mo? 2008 na? Kailan pa? Biruin mo nga namang kay bilis lumipas ng panahon. At hindi lang iyon, ikapito na ngayon ng Enero… parang noong isang gabi lang ay nangangarap pa ako sa gitna ng kasiyahan ng aking kapamilya. Huli na ba ang latha kong ito para sa pagsalubong sa taong 2008? Hindi pa naman di ba? Katatapos pa lang ng paggunita sa three kings di ba? Kani-kanina ko nga lang nilikom ang Christmas Tree doon sa aming silid-tanggapan.
Gayunpaman, ano-ano na nga ba ang naganap sa taong 2007?
Parang Enero din noon ng hindi ako magkandatuto sa pag-aayos ng gamit ko, sa pamimili at pag-eempake… kundangan naman kasi at pumanaw ng Disyembre ang aking Tito (sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa) kaya naman naging abala kaming lahat, lalo pa at nagsiuwian din mula sa ibang bansa ang kanyang mga kapatid. Isang taon na din pala ang nakalilipas buhat ng mawala siya, ang unang nalagas buhat sa labing-isang buhay na kapatid ng aking ama na nakagisnan ko.
Ayun, kaya naman sobrang okupado ang bawat araw sa aking buhay matapos siyang ihatid sa huling hantungan… bukod sa pamimili at pag-eempake, isinasaayos ko din ang aking ganap na pagbibitiw mula sa pinasukang bangko.
Eh bakit nga ba ako nag-eempake? Honga pala, patungo ako sa ibang bansa upang sumubok ng panibagong buhay… puteeeek!!! Ano nga ba ang panibago sa buhay na ito?
Kaya nga bago matapos ang buwan ay iniwan ko ang mga mahal ko sa buhay, ang pamilyang kinagisnan ko at nag-aalaga sa akin upang makibaka sa banyagang lugar. Ika-apat ng umaga ng ihatid nila ako sa paliparan, biniro ko na si ina na magbaon ng tuwalya dahil tiyak na babaha ang kanyang luha, pero saan ka pinipigil ko lamang ang aking sarili na huwag umiyak. Hindi naman ito ang unang pagkakataon na sasakay ako ng eroplano, nakapunta na din naman ako sa Middle East noon at tumigil ng siyam na buwan, kaibahan lamang kasama ko ang aking kapatid at tiyak na muli akong babalik ng hindi matatapos ang taon. Pero ngayon, kung aayon ang lahat sa planong itinakda ko sa aking isipan ay aabutin ng tatlong taon bago ako makauwi.
Ayun na nga, sa kabila ng puyat ng nagdaang gabi para sa pagkumpleto ng aking mga dadalhin at pagpapaalam sa kasintahan na kung maari lamang ay huwag ng mawalay, ako’y naroon na at naghihintay sa ganap na paglipad ng eroplanong sinasakyan. At sa hinaba-haba ng oras na bahagya na ding nakatulog para sa pagtungo ko sa bansang ito, nakarating din naman ako ng maayos.
Nakakaaliw pagdating ko sa hangganan ng aking biyahe, sapagkat nakakapasok ang mga kaanak na sumalubong sa akin sa loob ng paliparan, hindi kawangis sa Pinas na magkandahaba na ang leeg mo sa pagtanaw para sa sasalubungin. Nakakataba ng puso na makita silang lahat.. ang aking mga pinsan na ng huli kong makita ay pawang mga musmos pa, ngayon ay meron ng sariling anak ang ilan.
Siyempre pa, sinalubong din ako ng matinding lamig paglabas namin ng paliparan, nasa negatibo ang temperatura, salamat sa winter jacket na ibinigay na ng kuya ko. Ok lang na malaki sa akin, maporma naman. Marahil, pinagdala naman nila ako ng jacket, pero di ko na inaalam pa iyon.
At eto na, isang taon na ako dito… di ko masabi na madami na ang naganap dahil pakiramdam ko ay tumigil naman ang pag-ikot ng mundo… pero patuloy naman sa paglikwad ang oras, sabay ng pagdaan ng panahon, tinatangay ang bawat sandali ng buhay. Sana, sana lang, bawat sandali ay naiuukol sa magandang layunin di lamang para sa sarili, kundi sa lahat.
♚♚♚
huli na ang pagka-post nito, bagamat sinimulan ko ng ikapito ng Enero… nawala na nga sa daloy ng una kong plano… gayunpaman, i-post na din… nasimulan na eh…
♚♚♚