Matapos kong limayin ang pangalang napili… naalala ko ang pelikulang Blade: Trinity at siyempre pa ang Holy Trinity. Di ko alam kung may kaugnayan ba ang alinman sa buhay ni Trinity, magkagayunman, ayos lang sa akin, dahil ito naman ang gusto niya.
ayon sa Webster’s New World Dictionary ang kahulugan nito ay:
~ the condition of being three or threefold
~ a set of three persons or things that form a unit
- kondisyon ng pagiging tatlo o sangtatlo
- o pangkat ng tatlong tao o bagay na bumubuo ng bahagi ng isang kabuuan o grupo.
Naisip ko lang, binubuo ba ng tatlo ang pagkatao ni Trinity? Ahh… wag na lang alamin, ang mahalaga sa akin ay ang pagkakilala ko sa kanya, sa kanyang kabutihang ipinapakita sa akin.
Kawangis ko, isang taon na din siya sa lugar na ito, nakikipagsapalaran sa buhay, nangangarap ng para sa ikabubuti ng kanyang sarili. Marami siyang nais maabot, nasi marating, nais patunayan. Pakiramdam niya napagkaitan siya ng kalayaang pumili ng kung ano ang nais niya, nabawasan ang panahong dapat ay igugol niya sa kung ano ba ang pangarap niyang gawin dahil sa madaming tao ang nagdesisyon para sa kanya. Pinangunahan ng ibang tao ang anumang desisyong dapat ay siya ang gumawa… kaya ngayong may kalayaan na siyang gawin ito, ayaw niyang may hahadlang sa kung ano nga ba ang gusto niyang gawin.
Sinimulan niya ang maliliit na hakbang sa pagdedesisyon ng siya lamang. Sa kabila ng anumang balakid ay unti-unti siyang sumusuong upang malagpasan ang mga ito. Sa edad niya, bagamat huli na ang pagsisimula niya ay di pa naman tuluyang huli upang itama niya ang mga kamaliang nagawa niya noon. Madalas na niyang banggitin ang mga kamalian niyang nagawa… ang kalokohan niya, ang mga desisyong nagpagulo lalo sa kanyang buhay. Kasabay nito, sinasabi niyang ang mga karanasang ito ang nagpapatibay sa kanyang pagkatao, na wag agad sumuko at patuloy na lumaban. Na sa bawat pagkadapa niya, muli siyang bumabangon na may bagong aral na natutunan…
