Ala una y medya na, wala pa ding nangyayaring matino sa buhay niya, nakaupo, nag-iisip, nangangarap…
Sa bawat pagdapyo ng hanging malamig na lumulusot sa maliit na siwang pinto,
Kasabay ng paglalakbay ng kanyang isipan sa dako pa roon, ang isang imbing pangarap.
Minsan, napakahirap talagang ilayo ang sarili sa burak ng kasalanan…
Isang magnetong humihila sa kanyang kahinaan…
Batubalaning humihigop sa depensang kanyang inilaan
Sumisiding pagnanais na hanggang isipan na lamang.
Madaming pagsubok ang sa kanya’y dumarating…
Sakit, pagpanaw, kahinaang sakdal hitik…
Isipan ay nais sumuko, katawan’y nais bumigay,
subalit patuloy ang pag-agos ng buhay.
Kagabi ay puyat sa pelikula’y bumabad
Sa computer tumanga, buhay ay isinulat
Sa hapag ay umupo, nag-isip, nangarap
Puso ay nagnais kapalaran ay makamit
Hirap ang isipang tanggapin ang lahat…
Pasakit, paghihirap, saya at galak
Sa iba ay humaharap, ngiti ay nakapaskil
Halakhak ay matunog… labi ay di tumitigil
Lahat ay kinakausap, kinakaibigang tiyak
Nakikihati sa ligayang kanilang nasasalat
Umiinom, nagpapakalango, umuuwing pagal
Upang bagyo ng damdamin ay maiwasan ng hangal
Hangal ang pusong magpanggap, gumayak
Na tila ba malakas at tunay na matatag
Ngunit sa dilim ng gabi ay nananangis
Ganyan na nga lamang ang buhay, sakbibi ng hilahil…
