Panibagong araw na naman ang nagdaan. Isang araw na nasasayang sa aking pananatili dito sa lugar na ito na walang ginagawang kabagay-bagay. Ano bang aking magagawa, sa katawang di sana’y sa tunay na gawa. Sa propesyong di naman talaga pinangarap. Tiis… tiis… tiis… yan ang ibinubulong ng isipang sakbibi ng lungkot at hilahil. Ilang panahon na lang at tapos na ang iyong pagdurusa, kinakailangan mo lamang kumilos na sa ngayon upang mabawas na ang araw na dapat sana’y bawas na talaga kundi lamang sa mga desisyong iyong ginagawa. Malalaman mo at kapag ikaw ay nagsimula na sa tunay na gawa, makikitang mong mas simple lamang ang gagawin mo sa ngayon, di kawangis ng ginawa mo noon.
Ah, bahala na… ang nahuhumiyaw na sagot ng kabilang panig ng isipan kong bagot.
Masaya ang araw na nagdaan, na sinimulan ng pagluluto ng babauning pagkain ng aking kapatid. Matapos nito ay nagsimula ng makipag ugnayan sa mga minamahal. Sa nobyong mahigit isang taon ng di nakakapiling, gayun din sa kapatid, pinsan, kaibigan at higit sa lahat, sa magulang na lagi ng nasa sa isip. Sila na dahilan kung bakit nagbago ang desisyon ng hindi pananatili sa lugar na pinanggalingan. Sila na sa tuwina’y humaharap sa aking masaya sa kabila ng hirap na pinagdadaanan sa kalusugan. Parehong nangangailangan ng atensiyong medikal na pawang di ko matulungan. Anong hirap na ikaw ay malayo sa iyong pamilya, naturingang nasa ibang bansa subalit di man lang makapagpadala ng kahit isang pirasong ‘tsokolate para sa iyong ama’t ina. Na di naman sabihing wala kang ginagawa, kahit papaano naman at tumutulong ka sa pamilyang iyong tinutuluyan subalit datapwat batid ng kanilang kaalaman ang pinagdadaanan ng iyong pamilya ay di man lang sila magkusa na magbigay upang kahit papaano ay maitulong sa magulang na nagdarahop. Pambihirang utang ang aking hiniram. Utang na kahit nakalipas na ang isang taong aking pagsisilbi ay di pa rin sapat na kabayaran. Utang na habang buhay ko na atang tatanawin lalo pa nga’t mananatili ako doon sa lugar.
Gayunpaman, kaya nga nagdesisyong lumipat ng probinsya. Umalis sa katiyakan ng pagkaayos ng papel at muling makipagsapalaran. Baon ay tapang ng loob ay lumipat sa panibagong banyagang lugar. Tanging nagbibigay lakas ay ang nag iisang kapatid na humimok na tatanggap sa akin kung skaaling ako’y magdesisyong umalis, kaya naman naririto ako ngayon. Nagpapataan ng ilang araw… at sa isang linggo ay sisimulan ko na ang pagharap sa tunay na hamon ng buhay sa aking ginawang paglipat.
Dito sa silid ng paupahang bahay na aming tinutuluyan, dito ko muling sisimulan ang pagbuo ng pangarap sa pananatili ko sa lugar na ito. Kasama ang aking kapatid ay muli kong bubuhayin ang pag asang unti unti ng naglalaho sa aking damdamin. Muli kong pag aalabin ang apoy na minsan ng nag-aandap andap dahil sa kalungkutan at hilahil. Sa awa at patnubay ng Amang nasa langit, muli kong tatahakin ang panibagong buhay na laan sa akin…
