Kagabi, naisipan namin ni Utol na maglakad lakad sa labas at kung san na lang mapiling kumain ng hapunan. Ito ay matapos na maghapong manood ng anime… salitang pagdownload ng Claymore at Hunter X Hunter. Kaya naman, kinuha lamang namin ang aming jacket at lumabas na ng bahay.
Habang naglalakad lakad, siempre nagkukuwentuhan kami tungkol sa pangyayari sa buhay. Hanggang magtungo sa paksang ito…
UTOL: Tol, minsan ba inisip mo, pinangarap o pinaginipang makarating sa banyagang bansang ito?
AKO: Ako, sa totoo lang hindi. Di ko nga alam kung bakit nakarating ako dito eh. Ang alam kong super sa pangangarap na makarating ung pinsan nating si Elle, pero until now nasa Pinas pa din. Naunahan ko pang makaalis, pero good na din na pparito na siya sa June.
UTOL: Oo nga eh. Kahit nga ako di ko alam na makarating ako dito. Alam mo naman na bobo ako…
AKO: Heh! Magtigil ka nga, walang taong bobo noh?!
UTOL: Anyway, un na nga… tapos eto ako, andito. Kung saan saan na din nakarating…
AKO: Oo nga eh, nakakatuwa… haay naku!
Kung saan saan pa napunta ang aming usapan hanggang sa pag usapan namin kung ano naman ang aming kakainin para sa hapunan. I was craving for Stir-Fried Noodles… tapos si Utol gusto daw i-try ung grilled pork & beef sa ‘Paris Pho’, isang restaurant na nagse-serve ng Thailand/Chinese foods. Kaya ganun na nga… doon na kami pumasok upang kumain. Idinagdag ko lang sa order ang spring roll.
Matapos mabusog sa aming hapunan na aming pinaghatian upang matikman namin pareho ang order ng bawat isa at bayaran ang kabuuang halaga na aming nakain kasama ang tip ay lumabas na kami ng nasabing restaurant tangan ang fortune cookie na ibinigay matapos akong magbayad. Habang naglalakad kami ay kinain namin ang fortune cookie na ibinigay. Ng maya-maya ay di ko napigilan ang aking pagtawa.
UTOL: Ano ba? Para kang loka, tawa ka ng tawa!
AKO: Paano naman kasi nakakatawa itong nakasulat dito sa ‘fortune cookie’ ko. Ano ba sau?
UTOL: Maya, hindi pa ubos ang cookie ko eh..
AKO: Ok. Basta pagkatapos, pabasa ako ah.
UTOL: Oo nga.
Ilang sandali pa at tawa na ng tawa si Utol, tawang di ko alam kung nakakaloko o ano ba? Kaya naman nagpalitan na kami ng mga papel na nagmula sa fortune cookie. At muli, tawa ako ng mabasa ko na ang kaniyang ‘fortune’. Habang tumatawa din siya ng tungkol sa ‘fortune’ ko.
FORTUNE NI KUYA: You will travel far and wide for both pleasure and business.
FORTUNE KO : You will soon travel abroad.
Yan ang dahilan kung bakit kami tawa ng tawa, dahil ilang sandali bago kami kumain ay pinag uusapan namin ang parehong paksa. At ang paksang ito ay pawang naganap na kaya ano pa nga ba ang saysay ng nakalimbag sa papel na ito?
